MANILA, Philippines - Siniguro ng Malacañang na ipapaabot sa pamilya ng binitay na OFW na si Joselito Zapanta ang puwedeng ipagkaloob na tulong ng pamahalaan.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ginawa din ng gobyerno ang lahat ng pamamaraan upang maisalba ang buhay ni Zapanta na hinatulan ng parusang bitay dahil sa pagpatay nito sa kanyang Sudanese landlord sa Saudi Arabia.
Pumayag ang pamilya ng Sudanese na patawarin ang OFW kapalit ng P48 milyong blood money subalit nabigong maibigay ito dahil umabot lamang sa P23 milyon ang nalikom na blood money.
May panawagan din si Susan Ople na ibigay na lamang sa pamilya ni Zapanta ang bahagi ng nalikom na blood money.
“Kailangang alamin natin sa DFA ang patakaran hinggil sa blood money,” paliwanag pa ni Coloma.
Ayon naman kay Pamapanga Gov. Lilia Pineda, sa huling pakikipag-usap niya kay Zapanta sa telepono ay tanggap na ng OFW ang kanyang kapalaran at nakiusap pa ito na itabi na lamang ang nalikom na P3 milyon na para sa blood money at sa halip ay ilaan na lamang sa pag-aaral ng kanyang 2 anak.
Sinabi naman ni DFA Spokesman Charles Jose, tutulungan na lamang ng gobyerno ang pamilya Zapanta na mabisita ang puntod ng binitay na OFW dahil nilibing kaagad ito matapos ang bitay sang-ayon sa Saudi law dahil converted Islam na si Zapanta.