MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ng isang retired labor judge mula sa Bacolod City na magbibigay ito ng P300,000 reward money sa sinumang makakapagbigay ng “solid at credible na impormasyon” hinggil sa pagkakakilanlan sa biological parents ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay Jesus Nograles Rodriguez Jr., dating arbiter ng National Labor Relations Commission sa Western Visayas na may ranggong regional trial court judge, makakatulong din ang paghahanap sa katotohanan upang sumulong na ang buong bansa sa mga naglalabasang isyu.
Sinabi pa ni Rodriguez na sa tulong ng kanyang malalapit na kaibigan, nagpasya sila na mag-ambag-ambag upang lumutang ang katotohanan at matuldukan ang kontrobersiya hinggil sa citizenship ng senadora.
Nang tanungin kung bakit ito ginagawa ng retiradong judge, sinabi nito na: “ This is my last patriotic act before I go to sleep permanently.”
Nilinaw din ni Rodriguez na walang politika at sinabing kakilala niya nang personal si Poe maging ang adoptive mother nito na aktres na si Susan Roces. Umaasa si Rodriguez na ang munting halaga na kanilang nalikom ay makakatulong upang makahikayat sa mga tao na lumutang at ihayag ang kanilang nalalaman sa tunay na katauhan ng senadora.
“Nananawagan kami sa sino mang may mapapanaligang kaalaman hinggil sa totoong mga magulang ng senadora na lumantad at sagutin ang mga saligang katanungan at sabihin sa amin ang lahat ng kanilang nalalaman na sa palagay nila ay mahalaga sa paghahanap sa mga magulang ng senadora lalo na ang tunay niyang ina,” dagdag pa ni Rodriguez.
Nanawagan din si Rodriguez sa mga nasa edad 60s at 70s na naninirahan sa Iloilo, Bacolod at mga kalapit na lugar nang matagpuan ang senadora sa Jaro Cathedral noong 1968 na aniya ay maaring makaalala sa isang buntis sa mga panahon na iyon na biglang naglaho o anumang kahalintulad na pangyayari.
Aniya, mahalaga ang bawat detalye kasabay ng pangako na gagawin nila ang lahat ng paraan upang suriin mabuti ang lahat ng impormasyon na kanilang matatanggap. Tiniyak pa ni Rodriguez na makakatanggap ng reward ang sinumang makakapagbigay ng pinakamahalagang impormasyon na magbibigay-daan upang mahanap ang mga magulang ni Poe.
“Kung makakakita kami ng mga tao na merong direktang kuneksyon sa senadora, hihilingin namin na sumailalim sila sa DNA test na isasagawa sa isang pribadong lokal na health facility na merong DNA testing capability,” sabi pa niya sa mga lokal na mamamahayag.
Umaasa din si Rodriguez na lalabas ang katotohanan sa tulong ng munting halaga na kanilang inilaan.