MANILA, Philippines – Matapos kalampagin ang US Embassy, nagtungo naman sa opisina ng National Irrigation Administration (NIA) sa Quezon City kahapon ng umaga ang Bugkalot tribal community para kalampagin ito para mamagitan na sa hinaing ng tribo na maibigay sa kanila ang “percentage share” at papanagutin ang isang American hydro power company sa Nueva Vizcaya sa umano’y pagsira sa ilog na pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan.
Alas-10 ng umaga nang magsimulang magtipon ang nasa 150 mga miyembro ng Bugkalot tribe, suot ang kanilang tradisyonal na kasuotan, sa pamumuno ni Nagtipunan, Quirino Mayor Rosario Camma at over-all chieftain ng Bugkalot Ethnic Community na naka-base sa mga probinsya ng Aurora, Quirino at Nueva Vizcaya, upang gisingin umano si NIA Administrator Engr. Carlos Padernal sa umanoy pagiging incompetent nito.
Nabatid na ka-partner ng NIA ang inirereklamong CalEnergy Water and Energy Co., Inc. (Cecweci) na itinayo sa kanilang ilog na bahagi ng ancestral domain sa Nueva Vizcaya.
Inirereklamo ng mga katutubo ang ginawang pagharang sa isang bahagi ng ilog para mai-divert ang tubig ng Casecnan at Taan Rivers patungo sa dam, na naging dahilan naman para matuyo ang Casecnan River na pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay at kanilang tanging means of transportation.
Ang CalEnegry ay isang independent power producer (IPP) na subsidiary ng Mid-American Energy Company na itinuturing na isa sa mga pinakalamalaking energy provider company sa ilalim ng kontrata para sa development ng Casecnan Multi-Purpose Irrigation and Power Project (CMPIPP), ka-partner ang NIA.