Duterte inaming pumatay ng 3 kidnappers
MANILA, Philippines – Tahasang inamin kahapon ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte na tatlong kidnappers ang pinatay niya sa kanyang siyudad at hind itinanggi ang akusasyon ng paglabag sa karapatang pantao.
Bukod sa tatlong kidnappers na pinatay, inamin rin ni Duterte na may inilaglag siyang drug dealer sa isang helicopter. Wala naman umanong nakatingin ng ilaglag ang nasabing drug dealer.
Ginawa ni Duterte ang pag-amin sa panayam ng DZMM sa programang “Ikaw na ba? Para sa Pamilyang Pilipino”.
Ayon kay Duterte hindi maituturing na krimen ang pagpatay sa mga kidnappers.
Sinabi pa ni Duterte na galit siya sa droga, human trafficking at rape at papayagan niya ang mga pulis na pumatay ng mga kriminal.
“Criminality has to stop,” ani Duterte.
Sinabi rin ni Duterte na ipaprayoridad ang pagpuksa sa criminality at graft and corruption sa unang 100 days niya sa Malacañang sakaling siya ang mahalal na presidente ng bansa.
Nagbabala rin si Duterte sa mga pasaway na pulis na uunahin umano niya kung hindi titigil.
“Sinasabi ko sa mga pulis ‘pag gumawa kayo ng masama, mauuna talaga kayo,” ani Duterte.
Ipinagmalaki rin ni Duterte na epektibo ang crime prevention sa Davao na maaari ring gawin sa buong bansa.
- Latest