MANILA, Philippines - Binanatan kahapon ni Sen. Antonio Trillanes IV ang Social Weather Station matapos mapaulat ang pangunguna sa survey ni Davao Mayor Rodrigo Duterte na tumatakbong presidente ng bansa sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ayon kay Trillanes, propaganda lamang ang nasabing survey upang makabawi si Duterte sa mga kapalpakan katulad ng mga pagmumura nito na hindi nagustuhan ng publiko.
Sinabi pa ni Trillanes na hindi “valid” ang nasabing survey dahil maliwanag na pinaboran nito ang kampo ni Duterte base na rin sa ibinigay na tanong.
Pinuna ni Trillanes na binanggit sa tanong ang pangalan ni Duterte na isa aniyang paglabag sa pagsasagawa ng survey at research.
“Sinabi nating niluto dahil kung titignan ninyo ang tanong, talagang sinubo ang pangalan ni Duterte,” pahayag ni Trillanes.
Binanggit din ni Trillanes na kilala umano ang SWS na nagpapagamit sa propaganda katulad noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo ng tumakbo itong muli bilang presidente ng bansa.