MANILA, Philippines – Dahil sa mas mahusay na koleksyon ng buwis ng kasalukuyang administrasyon, maglalaan ng karagdagang milyong pisong pondo si Manila Mayor Joseph Estrada para labanan ang kriminalidad sa buong lungsod.
Ayon kay Estrada, para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa 896 barangay ng lungsod, nakiusap ang alkalde sa mga miyembro ng konseho na dagdagan ng P300 million ang kasalukuyang P1.9 billion budget.
Noong 2014, naglaan ng P.9 bilyon budget ang city government para sa mga barangay at naging P1.9 bilyon ngayong taon para sa mas mainam na serbisyo publiko at upang mas paigtingin ang kampanya laban sa krimen at mga kawatan.
Paliwanag ni Estrada, ang pangkalahatang budget na natanggap ng mga barangay tanod, kapulisan at iba pang ahensya para magmintina ng kaayusan ay mula sa real property tax collection mula Hulyo 2014 hanggang Hunyo 2015.
Dagdag pa ni Estrada, malaki ang magiging pakinabang ng publiko sa pagtaas ng budget ng mga barangay, lalo pa’t sila ang front liners at unang rumeresponde at tumutugon sa anumang emergency sa kanilang nasasakupan.
Ayon naman kay Virgilio Eustaquio, hepe ng Manila Barangay Bureau, ang karagdagang pondo ngayong taon ay ibibili nila ng mga mobile patrol cars at motorcycles, close circuit television cameras at pagpapailaw sa mga iskinita at mga kalye na madalas may krimen at nakawan.