LIPA CITY, Philippines – Ipinahiwatig kahapon ni Sen. Grace Poe na hindi siya natatakot sa pagpasok ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa presidential race sa susunod na taon.
Pero ayon kay Poe, hindi dapat ipagwalang bahala ang lahat at mas magpu-pursige silang magtrabaho.
“We should not take anybody for granted. We are all running for the same position, lahat tayo ay may kanya kanyang plataporma. Puno’t dulo nito ay kung papano natin papatakbuhin ang ating kampanya at papano natin ilalahad ang ating plataporma at ito ba ay matatanggap ng mga kababayan natin,” ani Poe.
Inamin din ni Poe na tiyansa ng lahat na manalo o matalo at apektado kapag nadaragdagan ang kandidato dahil mahahati sa lahat ang boto.
Aminado si Poe na marami rin ang sumaya ng magdesisyon si Duterte na kumandidato lalo na ang mga supporters nito.
Sa mga kumukuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Duterte, sinabi ni Poe na dapat payagan pa rin itong kumandidato lalo pa’t ang mga mamamayan naman ang magde-desisyon kung sino ang karapat-dapat na iboto.
“Para sa akin payagan natin (kumandidato si Duterete) kasi puno’t dulo nito nagsilbi na sa kanyang probinsya, merong naniniwala sa kanya, at ang punot dulo nito sa naging aral na rin nung tumakbo ang tatay ko nung 2004, dapat naman talaga sundin natin ang gusto ng ating mga kababayan. Sila ang may karapatan na magdesisyon,” ani Poe.