MANILA, Philippines – Ayaw makipagdebate ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa iba pang tatakbong pangulo sa 2016, ngunit kung kailangang dumalo ay gagawin niya ito.
“Ayokong makipag-debate sa kanila... Debate debate. Wala namang mangyayari,” pahayag ni Duterte. ''Pero kung pipilitin nila ako, ok lang. We'll talk everything under the sun.”
Sinabi ni Duterte na kahit sa Davao City ay hindi siya dumadalo sa mga debate.
Aniya napakasimple lamang ng kaniyang plataporma at ito ay ang ayusin ang gobyerno.
''Basta ako, iyan ang gawin ko, iyan lang, iyan ang program ko. Alisin ko ang droga, criminality, graft and corruption sa gobyerno. I'll fix government,'' ani ng alkalde.
Nitong nakaraang buwan lamang ay sinabi ni Commission on Elections chair Andres Bautista na magsasagawa sila ng tatlong debate, tig-iisa sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Gagawin ang unang debate sa Pebrero 21 sa Mindanao, Marso 20 sa Visayas at Abril 24 sa Luzon.
Nilinaw ni Bautista na maaari namang hindi dumalo ang mga kandidato ngunit nagbabala na maaaring makaaapekto sa kanilang kandidatura ang hindi pagdalo.