‘4Ps itutuloy ko’ - VP Binay
MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Vice President Jejomar C. Binay na pinagsabihan niya si Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman na atasan ang mga tauhan nito na ihinto ang pagpapakalat ng black propaganda hinggil sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Sinabihan ko nga ho si Secretary Soliman, sabihin mo naman sa mga tao mo, ang sabi malinis na kampanya, malinis na halalan, wala naman tayong siraan ng kasinungalingan,” sabi ni Binay kamakalawa habang nasa Batangas siya.
Naunang iniulat ni Binay na merong kampanya na linlangin ang publiko para mabawasan ang kanyang support base.
Iginiit ni Binay na hindi niya ihihinto ang 4Ps na isang proyektong sinimulan sa ilalim noon ng administrasyon ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo.
“Hinding-hindi ko po sinabi at uulitin ko [na] hindi ko aalisin, hindi ko papatayin ang isang proyekto na maganda na nagsimula sa nakaraang administrasyon. Actually, ‘yang project na ‘yan, project din naman ‘yan ni President Arroyo. Noon, ang tawag diyan ay CCT. Ngayon, ang tawag diyan ay 4Ps,” paglilinaw ng Bise Presidente. “Magandang proyekto, lamang, meron lang tayong isasaayos, ‘yon ang nare-report na napakalaki ng leakage, ‘yong nare-report na maraming beneficiaries na hindi naman qualified, na meron namang dapat ma-qualified na hindi naman nailalagay kaya lang ay magkaibang partido, sa ano mang dahilan.”
Sa 2014 Consolidated Audit Report on Official Development Assistance (ODA) Programs and Projects na ipinalabas noong September 4, pinuna ng Commission on Audit na merong mga mali sa listahan ng mga benepisyaryo, kaguluhan sa pamamahagi, non-receipt o underpayment, hindi pagtalima sa mga rekisitos at isyu sa berepikasyon.
Nangako si Binay na palalawakin niya ang 4Ps para maisama ang healthcare at ang mga senior citizen.
- Latest