MANILA, Philippines – Isinusulong ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang panukalang batas na naglilibre sa mga senior citizens sa pagbabayad ng parking fees at exemption sa number coding scheme.
Sabi ni Vargas, napapanahon na para bigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo ang mga senior citizens dahil karamihan sa mga ito ay retirado na.
“It is our way of recognizing their importance to us, and of showing our appreciation to them for their contribution to nation-building,” ayon pa sa kongresista.
Sa ilalim ng panukala, kahit na ang driver o pasahero ng isang sasakyan ay senior citizen ay entitled ang mga ito sa parking fee sa lahat ng establisimyento kung nakarehistro sa kanilang pangalan ang behikulong gamit.
Paliwanag pa ni Vargas, habang ang gobyerno ay kinikilala ang role ng mga nakakatanda sa nation building sa pamamagitan ng mga espesyal na benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act ay kailangan pa rin gawin komportable ang buhay ng mga ito.
Lalo na umano ngayong lumalaki pa ang populasyon na umaabot na sa mahigit na pitong milyon senior citizens sa bansa kaya dapat na ipreserba ang values at culture gayundin pagpapalaganap ng kanilang kaaalaman at eksperyensa sa mga bagong henerasyon.
“The least we can do is to help make their everyday transportation experience a more cost-efficient one. Panahon na para tayo naman ang mag-alaga kay lolo at lola,” giit pa ni Vargas.