Total gun ban sa APEC
MANILA, Philippines – Sinuspinde muna ng Philippine National Police (PNP) ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa Metro Manila mula Nobyembre 16-20 upang tiyakin ang seguridad sa panahon ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, na tanging ang mga nakauniporme at naka-duty na mga miyembro ng PNP, AFP at iba pang law enforcement agencies ang pinahihintulutang mag-uniporme at magbitbit ng mga armas.
Ang sinumang mahuhuling nagdadala ng mga armas sa panahong ipinatutupad ang total gun ban ay mahaharap sa anim na buwan at isang araw hanggang anim na taong pagkakabilanggo. Ito’y alinsunod sa Section 30 ng Republic Act 10591 o ang bagong Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Nakiusap rin ang opisyal sa mga raliyista na maging mahinahon at huwag gumawa ng bayolenteng aktibidades upang hindi na muling maulit pa ang pananakit ng mga ito kay Chief Insp. Antonio Ananayao at isa pang pulis.
Si Ananayao ay nalagay sa peligro ang buhay matapos na kuyugin at bugbugin ng mga demonstrador noong kasagsagan ng rally sa nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino nitong Hulyo.
Kaugnay nito, inihayag naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Chief Inspector Kimberly Molitas na nasa full alert status na ang kanilang hanay bilang paghahanda sa APEC Summit.
Sinabi ni Molitas na bantay sarado na rin ang 16 mga hotel na tutuluyan ng mga delegado at maging ang 3 venue na pagdarausan ng APEC kabilang dito ang PICC, World Trade Center at MOA arena.
Samantala, ang Presidential Security Group (PSG) ang mamamahala sa seguridad ng 21 Heads of State.
Bukod sa 18,000 pulis ay may augmentation forces rin mula sa mga Regional Office ng PNP sa Central at Southern Luzon, AFP at nasa 20 pang ahensya ng gobyerno.
Nangangahulugan ang full alert status na kanselado muna ang bakasyon at dayoff ng mga pulis sa Metro Manila.
- Latest