MANILA, Philippines - Nagdonasyon kahapon ang Estados Unidos ng mga bomb suits, robot at iba pang Explosives and Ordnance Disposal (EOD) equipment kasama ng anim na mga behikulo upang matiyak ang seguridad at matiwasay na pagdaraos ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit sa darating na Nobyembre 17-20 sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ricardo Marquez, nasa 32 EOD equipment at anim na behikulo ang ipinagkaloob ng US Department of State Anti-Terrorism (DS/ATA) Program sa pamamagitan ni Mr. Thomas McDonough, Regional Security Officer ng US Embassy matapos ang flag raising sa Camp Crame.
Kabilang sa 32 EOD equipment ay siyam na Post Blast Investigation (PBI) kits, 20 Explosives Incident Counter Measure (EIC) kits, tatlong MK3 EIC robots at anim na mga behikulo partikular na ang Ford Ranger pickup trucks.
Simula 1986 ay aktibo na ang DS/ATA ng Amerika sa pagkakaloob ng pagsasanay at pagdodonasyon ng mga kagamitan sa Pilipinas upang mapalakas pa ang kampanya kontra terorismo sa Mindanao at maging sa Metro Manila.
Noong 2007 ay nagsimula na ang DS/ATA sa pagsasanay sa PNP sa pamamagitan ng pag-iestablisa ng EOD at K 9 facility sa National Capital Region Police Office. Ang nasabing pasilidad ay kinabibilangan ng kennel, veterinary clinic at billets para sa EOD K 9 unit, six bomb detector dogs at PNP K9 handlers na may kasanayang tumukoy ng mga bomba.