Governor Vi, suportado ang Daang Matuwid

MANILA, Philippines - Kahit ginawa pang guest candidate sa senatorial slate ng kampo nina Sens. Grace Poe at Chiz Escudero ang kanyang asawang si Sen. Ralph Recto ay buo ang suporta ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto sa pamunuan ng Daang Matuwid.

“Si PNoy ay may iniwang matibay na pundasyon under his administration,” sabi ni Gov. Vi. “The most important thing in national government, kapag may matibay na pundasyon, ang mahalaga ay magkaroon ng continuity,” tuloy niya.

Sa isang event noong Biyernes ay tinanggap ni Daang Matuwid standard bearer Mar Roxas ang suporta ng mga Batangueñong opisyal ng Partido Liberal mula sa tatlong lungsod at 31 bayan ng Batangas. Kasama ni Roxas sina Gov. Vi, Sen. Recto, Batangas Vice Gov. Mark Leviste at ang running mate ni Roxas na si Rep. Leni Robredo.

Sinegundahan naman ni Sen. Recto ang pahayag ng kanyang kabiyak.

“Hindi ko na po uulitin yung sinabi ni V kanina, pero katulad po nung sinabi niya, mahalaga ang continuity,” diin ni Recto.

Binigyang halaga naman ni Roxas ang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng kahit anong programa ng pamahalaang national.

Show comments