4Ps pabibilisin ni Binay
MANILA, Philippines – Nangako kahapon si Vice President Jejomar C. Binay na pahuhusayin niya ang sistema ng pagkakaloob ng ayuda sa mga maralitang Pilipino sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para maiwasan ang mga insidente ng non-payment at underpayment ng mga benepisyaryo at double entries at inaccuracies sa listahan ng mga benepisyaryo.
“Batay sa report para sa 2014 ng Commission on Audit, ang tulong ay hindi nakakarating nang tama sa oras sa mga maralita nating kababayan o ganap na walang dumarating. Hindi nilutas ng Department of Social Welfare and Development ang mga problema sa sistema,” sabi ni Joey Salgado, tagapagsalita ng media affairs ng Office of the Vice President.
Ang 4Ps ay napaglaanan ng P62.6 billion noong 2014 at P62.3 billion para sa taong kasalukuyan.
Noong nakaraang taon, inilagak ng pamahalaan ang P15.323 billion sa Land Bank of the Philippines para sa over-the-counter payment ng cash stipends sa kuwalipikadong mga pamilya sa walong rehiyon. Pero, ayon sa COA, P13.725 billion lamang ang nagamit.
Ibig sabihin, ayon kay Salgado, P1.598 billion ang hindi nakarating sa mahihirap na pamilyang dapat sanang bigyan nito.
Sinabi ni Salgado na hindi maaaaring mapalagpas ang mga pagkaantala ng tulong lalo na at napaulat na isang lalake ang nagsaksak sa sarili habang naghihintay ng tulong na pera sa pamamagitan ng 4Ps ng DSWD sa Siayan, Zamboanga del Norte noong Setyembre 24.
Hindi binanggit ng pulisya ang pangalan ng 39 anyos na lalake na umaasa lang ng tulong mula sa 4Ps para sa kanyang may sakit na anak na lalake na siyam na buwang gulang. Halos limang araw na wala siyang tulog para mabantayan ang kanyang anak. Masuwerte namang nabuhay ang lalake.
Dahil umano sa pagkadismaya at kawalang-magawa, isang 27 sentimetrong punyal ang isinaksak ng lalake sa kanyang sarili habang nasa loob ng bahay ni Siayan Councilor Norma Labastida noong madaling araw ng Setyembre 24.
Agad na tinawagan ni Labastida ang pulisya pagkakita sa duguang biktima, ayon kay Inspector Dahlan Samuddin na acting public information officer ng Police Regional Office 9.
Sinabi ni Samuddin na ang mag-ama ay pansamantalang nanunuluyan sa bahay ni Labastida para hintayin ang cash handout.
- Latest