MANILA, Philippines – Ipinahayag kahapon ng Malacañang na hindi ito natatakot sa banta ng ilang sektor na laglag-boto bilang sagot sa kawalan ng mabilis na aksyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga kaso ng laglag-bala sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa isang maikling pulong-balitaan, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nasa isang bansang demokratiko tayo na malaya ang sinuman na pumili ng nais nilang iboto sa halalang pambansa sa taong 2016.
Nauna rito, nagbanta ang grupong Migrante na, dahil sa kawalan ng aksyon ng gobyerno sa laglag-bala incidents na karamihan ng mga biktima ay mga Overseas Filipino Worker, isasagot nila dito ang laglag-boto sa pambato ng administrasyon na sina Liberal Party standard bearer Mar Roxas at running mate nitong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Nilinaw din ni Lacierda na inatasan na ni Pangulong Aquino si Department of Transportation and Communication Secretary Joseph Abaya na beripikahin ang mga ulat na laglag-bala incident sa NAIA at gumawa ng mga hakbang upang malutas kaagad ito.
Kasabay nito, isinampa kahapon nina Senador Alan Peter Cayetano at Volunteers Against Crime and Corruption Chairman Dante Jimenez sa Ombudsman ang isang joint administrative complaint laban kina Abaya, Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado at dalawa pang matataas na opisyal dahil sa “laglag-bala” extortion scheme.
Kabilang pa sa kinasuhan sina Office for Transportation Security administrator Roland Recomono at Philippine National Police Aviation Security Group Director Chief Superintendent Pablo Francisco Balagtas.
Inireklamo nina Cayetano na, sa ilalim ng Executive Order 226 o Doctrine of Command Responsibility in All Government Offices and Agencies, nagpabaya sa tungkulin ang mga nasasakdal.
Hiniling din nina Cayetano sa Ombudsman na suspindihin sa tungkulin sina Abaya, Honrado, Recomono at Balagtas habang iniimbestigahan ang kanilang reklamo laban sa mga ito.
Ayon sa reklamo, ilang taon nang nangyayari ang tanim-bala scheme pero walang ginagawa ang mga nasasakdal dito.
Nakahanda maman ang Philippine National Police na tumulong sa imbestigasyon sa tanim bala racket na kinasasangkutan umano ng ilang mga tiwaling opisyal at tauhan ng NAIA.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, may mga unit ang PNP na may kakayahan para isagawa ang kaukulang imbestigasyon sakaling gamitin sila ng pamahalaan para tumulong sa paglutas sa kaso.
Samantala, lalong lumalakas ang panawagan sa Kamara para imbestigahan ang laglag o tanim bala sa paliparan.
Ito ay matapos na maghain ng magkakasunod na resolution ang grupong Bayan Muna sa pangunguna nina Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate gayundin ang Saturday group na kinabibilangan nina Magdalo partylist Reps. Ashley Acedillo at Gary Alejano. Pangasinan Rep, Leopoldo Bataoil, Antipolo Rep. Romeo Acop, at ACT-CIS partylist group Samuel Pagdilao.
Sa House Resolution 2477 na inihain ng Bayan Muna inatasan ng mga ito na ang House Committee on Transportation na magsagawa ng pagsisiyasat, in aid of legislation, tungkol sa tanim-bala at iba pang extortion activities sa paliparan na karaniwang nambibiktima ng mga OFWs, mga dayuhan at matatanda. Layon ng imbestigasyon na proteksyunan ang mga pasahero laban sa mga mapagsamantalang scammers ng laglag bala.
Napag-alaman na madalas na biktima ng ganitong scam ay mga pasaherong may connecting flights kung saan itinatanim sa mga bag o bagahe ng mga ito ang isang .22 na bala at ipinalalabas na lumalabag ang mga ito sa RA 10591 o firearms and ammunition law.
Nagdududa ang mga kongresista sa pattern ng scheme kung saan sa dami ng mga naitalang ganitong insidente ay wala man lamang napaparusahan at hindi man lamang ito napagtuunan ng pansin ng DOTC at MIAA.
Kasabay ng imbestigasyon, nanawagan naman sina Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles at Abakada Rep. Jonathan dela Cruz na tanggalin sa puwesto si Honrado dahil sa kabiguan nitong maresolba ang nasabing isyu.
Nanawagan si Nograles sa Department of Justice na gumawa ng isang special inquiry sa isyu ng laglag-bala para busisiin nang malaliman ang extortion racket na bumiktima ng daan-daan pasahero kabilang ang mga OFW.
Sinabi naman ni OFW Partylist Rep. at presidential aspirant Roy Seneres na ang hindi pagsibak ng Pangulo kay Honrado kahit palpak ito ay nagpapakitang may mga ‘sacred cows’ sa kanyang administrasyon.
Samantala, sinabi ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito na boluntaryong magbitiw na si Honrado sa kanyang puwesto para hindi na mabaon sa kahihiyan ang Pangulong Aquino.
Pinadadagdagan ni Act –CIS partylist Rep. Samuel Pagdilao ang mga close circuit Television o CCTV sa NAIA upang malaman kung sino ang mga responsable sa laglag o tanim bala sa naturang paliparan.
Ayon kay Pagdilao, bukod sa CCTV dapat din mag talaga ng counter intelligence sa NAIA upang malaman kung sino ang mga personnel na lumalabag sa oath of office dito.
Sa ganitong paraan umano mabibigyan ng katiyakan ang publiko na mayroong ginagawang hakbang ang gobyerno para masolusyunan ang nasabing isyu na nagdudulot ng kahihiyan hindi lamang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Ikinabahala ni Senador Chiz Escudero ang ‘timing’ ng ginagawang kwestyonableng paghuli umano sa mga pasahero na nahuhulihan ng bala sa kanilang mga bagahe sa NAIA.
“Ano iyon, biglang andami na lang nakaisip na magdala ng bala sa maleta nila? Ngayon, habang malapit na ang Pasko,” wika pa ni Escudero kaugnay ng tanim-bala modus operandi sa NAIA. – Butch Quejada, Gemma Garcia at Joy Cantos