MANILA, Philippines – Kinasuhan ng pang-aagaw ng kapangyarihan si Marinduque Rep. Regina Reyes sa Metropolitan Trial Court sa Quezon City.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code si Rep. Reyes ni dating Marinduque Rep. Allan Jay Velasco sa MTC dahil sa ‘pangangamkam’ umano nito sa karapatan ni Velasco bilang kinatawan ng Marinduque sa Kamara kahit alam niyang hindi siya karapat-dapat sa posisyon.
Noong May 2013 elections ay kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy ni Reyes makaraang mapatunayang US citizen ito at hindi nakatira sa Pilipinas kaya hindi pinayagang tumakbo sa congressional race sa lone district ng Marinduque.
Ang desisyon ng Comelec ay naging pinal matapos pagtibayin ito ng Korte Suprema kaya pinawalang-halaga ng Comelec ang naging proklamasyon kay Reyes bilang nanalong kongresista kaya si Rep. Velasco ang prinoklama ng board of canvassers bilang nanalong kongresista noong July 16, 2013 kung saan ay hindi nagpahayag ng pagtutol si Reyes.
Hiniling ni Velasco sa Kamara na payagan siyang maupo bilang kinatawan ng Marinduque pero tinanggihan ito ng Kamara.