MANILA, Philippines – Si Sen. Grace Poe pa rin ang inaasahang susunod na pangulo kung ngayon gaganapin ang halalan.
Ito ang resulta ng isinagawang nationwide survey ng ‘Partido Magdalo’ noong isang linggo sa pagtatapos naman ng ‘filing of certificate of candidacy’ (COC) ng mga tatakbo sa halalan sa isang taon.
Kumuha si Poe ng 43 porsiyento na 16-puntos kalamangan kay Vice Pres. Jejomar Binay na mayroon namang 27 porsiyento.
Malayo pa rin sa ikatlong posisyon si Mar Roxas, ang kandidato ng Liberal Party (LP) na mayroon lamang 17 porsiyento habang nasa pang-apat na puwesto si Sen. Miriam Defensor Santiago.
Nasa panghuling puwesto naman sina dating ambassador Roy Señeres at ex-congressman, Augusto Syjuco na nagtabla sa 0.2 porsiyento.
Ayon kay Magdalo Rep. Francisco Ashley Acedillo, isinagawa nila ang survey sa pagitan ng Oktubre 20 at Oktubre 22, pagkatapos ng ‘filing of COC’ upang pulsuhan ang taumbayan sa kanilang gustong maging susunod na pangulo batay na rin sa opisyal na datos mula sa Commission on Elections.
Nakasentro aniya ang tanong sa, “Kung ngayon gaganapin ang halalan, sino ang inyong ihahalal na pangulo?”
Patuloy rin sa kanyang pangunguna sa kandidato bilang bise presidente si Sen. Chiz Escudero na ‘running mate’ ni Poe na kumuha ng 37 porsiyento.
Sumunod kay Escudero si Sen. Bongbong Marcos, 24 porsiyento habang tabla sa 11 porsiyento sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Antonio Trillanes IV.
Pang-lima lang si Camarines Sur Rep. Leni Robredo, ang ‘ka-tandem’ ni Roxas habang 7 porsiyento kay Sen. Gringo Honasan na running mate ni Binay.
Ayon pa kay Acedillo, inaasahan na magbabago pa ang posisyon ng mga kandidato ngayong malinaw na sa mga botante kung sino ang kanilang pagpipilian.
Tanging ang 2013 survey ng Magdalo ang nakapagsabi na si Poe ang mangunguna sa 2013 ‘midterm polls’ para sa mga senador, kumpara sa “prediksyon” noon ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia na sinasabing mangunguna si Sen. Loren Legarda.