Palasyo kay Binay: May mahirap dahil may corrupt
MANILA, Philippines – Sinagot ng Malacañang ngayong Miyerjules ang pahayag ni Bise Presidente Jejomar Binay na kahirapan ang problema ng bansa at hindi ang katiwalian.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na sabay dapat tugunan ang problema at hindi paghiwalayin.
"Tunay na magkaugnay at hindi dapat paghiwalayin ang paglaban sa korapsyon at sa pagpawi ng kahirapan," wika ni Coloma.
"Itinataguyod ang Daang Matuwid at mabuting pamamahala ayon sa batayang prinsipyo: Kung walang corrupt, walang mahirap.”
Sinabi kahapon ni Binay sa isang forum kasama ang iba pang presidential candidates na lalaban niya ang kahirapan at hindi ang katiwalian kung sakaling manalo sa 2016.
"The moral problem is not corruption, the moral problem is poverty. That is what I want to face, not the fight against all these allegations, but the fight to alleviate the life of every Filipino," pahayag ni Binay.
Nahaharap sa kasong plunder at graft si Binay sa Ombudsman kaugnay ng maanomalyang mga impastraktura sa lungsod ng Makati noong siya pa ang nakaupong alkalde.
Samantala, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na tinutupad ng gobyerno ang kanilang pangakong panagutin ang mga umaabuso sa kapangyarihan.
"So we did not lose sight of the main promise, which was to make government accountable to the people and more transparent."
- Latest