MANILA, Philippines - Dinedma ng pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas ang mga tangka ng kampo ni VP Jejomar Binay na haluan ng pulitika ang pagtulong na ginagawa ng tambalang Mar-Leni sa mga nasalanta ng bagyong Lando. “Hindi kami nagsasalita, hindi kami nakadilaw, walang ‘vote,’” paliwanag si Roxas.
“Hindi naman ito tungkol sa amin. Hindi naman ito tungkol sa ating kampanya. Tungkol ito sa tulong, sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nabiktima ni Lando,” sabi ni Roxas sa isang panayam.
Pumunta si Roxas at Robredo kahapon sa Barangay Doliman sa Infanta, Pangasinan at sa Mangaratem, Pangasinan upang ihatid ang mga relief goods na kanilang ambag sa mga nasalanta.
Noong Lunes ay ipinatigil ni Roxas ang operasyon ng kanilang mga volunteers sa kampanya at pinangunahan nila ni Robredo ang repacking ng relief goods sa headquarters ng Liberal Party sa lungsod Quezon.
Nung Martes ay pumunta naman ng Baler, Aurora ang dalawa upang dalhin ang kanilang tulong sa mga nasalantang residente doon.