PNoy todo suporta Mar-Leni, all in na!

MANILA, Philippines –“All in na po kami ni Leni.”

Ito ang deklarasyon kahapon ni Daang Matuwid presidential candidate Mar Roxas pagkatapos nilang ihain ng kanyang running mate na si Leni Robredo ang kanilang certificates of candidacy.

Nangako naman si Roxas na ibibigay niya ng buo ang sarili para sa hinaharap na laban.

“Ibibigay po namin ang lahat sa laban na ito. Ito ang laban na dapat lang ipag­laban, laban para sa ating mga kababayan, laban para sa lahat ng pamilyang Pilipino, at sa kaginhawaan na pinapangarap nila lahat,” sabi niya.?

Dagdag naman ni Rob­redo, “Ang pinapangako po namin ay ang pagpapatuloy, pagsusulong, at lalong pagpapalawak ng makabuluhang pagbabago na sinimulan ng ating mahal na Pangulo.”

Dumalo muna sa isang misa kahapon ng umaga sa Manila Cathedral sina Roxas at Robredo kung saan ay dumalo rin si Pa­ngulong Aquino, LP ge­neral campaign manager at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Presidential Sisters bago isinumite ng mga ito ang kanilang COC sa Comelec.

Kumain ng lugaw sina Pangulong Aquino, Ro­xas, Robredo at mga LP members sa harap ng Manila Cathedral pagkatapos ng misa.

Inihatid naman ng Pa­ngulo sina Roxas at Robredo hanggang sa entrance ng Comelec para magsumite ng kanilang COC.

Kasama ni Roxas ang kanyang ina na si Judy Araneta-Roxas gayundin ang kanyang maybahay na si Korina Sanchez-Ro­xas habang si Robredo ay sinamahan ng kanyang mga anak. Lumagda din sina Roxas at Robredo sa integrity pledge wall sa loob ng Comelec.

Show comments