Base pay ng mga guro, isinusulong doblehin
MANILA, Philippines – Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong doblehin ang kasalukuyang base pay ng mga guro sa pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.
Sa Senate Bill 61 na inihain ni Senator Sonny Angara, sinabi nito na ang minimum salary grade level ng mga guro ay P18,549 lamang o salary grade 11 at panahon na upang itaas ito sa salary grade 19 o P33,859.
Naniniwala ang senador na dapat lamang na bigyang prayoridad ng gobyerno ang mga guro dahil na rin sa ginagampanan nilang papel sa pagpapaunlad ng bansa.
“As we celebrate our teachers’ role in the society and nation building—most especially as molders of our children’s future—we should also give priority to the welfare of our hardworking teachers,” ani Angara.
Naniniwala si Angara na isa sa magandang regalo para sa mga guro sa National Teachers Month ang pagtaas ng kanilang sahod.
Maituturing aniyang “special breed” ang mga guro at isang ‘special calling’ ang kanilang trabaho.
Inihalimbawa pa nito ang sinabi ng isang manunulat na mas mabuti pa ang mga estudyante sa isang mahinang paaralan pero may magaling na guro kaysa sa isang magandang paaralan pero may masamang guro.
Dapat na rin aniyang maging batas ang panukala na magbibigay ng scholarship sa mga non-academic personnel upang itaas ang kanilang kuwalipikasyon sa masteral, doctoral at post-graduate studies.
- Latest