Sen. Marcos ayaw sumailalim sa DNA – Poe
MANILA, Philippines - Ayaw umanong sumailalim ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos sa DNA testing upang mapatunayan na hindi totoong kapatid niya sa ama si Sen. Grace Poe.
Sa isang press conference kahapon sa Cebu City, muling naungkat ang kuwestiyon sa pagkatao ni Poe at muli itong natanong kung si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang biological na ama nito.
“Matagal na pong kwentuhan iyan na sinasabi ay ganun nga, wala naman kaming dahilan para paniwalaan iyan,” sabi ni Poe.
Nilinaw rin nito na hindi ang pamilya ni Marcos ang lumapit sa kanya noong kumpirmahin niyang sumailalim siya sa DNA testing ang ilang miyembro ng pamilya na hindi niya pinangalanan upang maprotektahan ang privacy.
Sinabi rin nito na nasasaktan ang kanyang pinsan dahil nasasangkot sa usapin ang dating aktres na si Rosemarie Sonora na kapatid ng kinikilala niyang ina na si Susan Roces.
Bagaman at hindi tinukoy ni Poe kung si Sheryl Cruz ang sinasabi niyang pinsan, naiintindihan naman umano niya ang nararamdaman nito.
“Lumabas ang aking pinsan, sinabi niya na nasasaktan siya na ang kanyang nanay ay nahahalo dito sa kwentong ito, hindi ko din naman ginusto iyan, naiintindihan ko na masakit nga,” ani Poe.
Wala rin umanong dahilan para paniwalaan niyang anak siya ni Marcos kay Rosemarie Sonora base na rin sa kuwento ng kanyang mga magulang.
Ayaw naman umanong sumailalim ni Marcos sa DNA testing dahil gusto nitong maging bahagi ng nasabing “urban legend”.
“Wala akong dahilan para isipin na iyan ay totoo dahil nga sa mga kwento na rin ng aking mga magulang at mga kakilala at si Senator Bongbong mismo tinanong siya kung papayag ba siya magpa-DNA test , sabi niya ayaw daw niya kasi sabi niya he wants to be a part of an urban legend so hindi naman sa dahil, parang we’re making lie to it, pero wala ngang dahilan para isipin iyon na chismis lang talaga noon,” ani Poe.
- Latest