Cong. Robredo: Taumbayan bigyang boses si tindera, magtataho at drayber

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo na mabigyan ng boses ang taumbayan tulad ng mga tindera sa palengke, drayber ng jeep at janitor sa pagbalangkas ng mga polisiya at sa mga desisyon ng lokal na pamahalaan.

Sa kanyang House Bill 4911 o People Empowerment Act of 2014, nais ni Cong. Robredo na lumikha ng “People’s Council” sa bawat local government unit (LGU).

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang taumba­yan na lumahok sa pag­likha ng mga polisiya at magkaroon ng boses sa mga gagawing desisyon ng kani-kanilang mga pinuno.

“Mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makapagdesisyon sa mga bagay na sa tingin nila’y makatutulong sa pagganda ng kanilang buhay at kinabukasan,” wika ni Cong. Robredo.

Layon ng “People Empowerment Act of 2014,” na ipatupad sa buong bansa ang nasimulan ng namayapang asawa ni Cong. Robredo na si Interior Secretary Jesse Robredo noong ito’y alkalde pa lang ng Naga City.

Noong mayor pa siya ng Naga, sinimulan ni Sec. Jesse ang tinatawag na people participation sa pamamagitan ng Naga City People’s Council (NCPC).

Sa nasabing konseho, binigyan ng puwesto ang piling miyembro ng civil society groups sa bawat komite ng Sanggunian at karapatang bumoto sa mga mahahalagang panukala sa committee level.

Sa tulong nito, na­ging mahalagang partner ng LGU ang civil society groups sa pagtukoy ng mahahalang programa at pagtugon sa mga isyu na kailangan ng agarang aksiyon.

Show comments