MANILA, Philippines – Ipinaaresto ng Court of Tax Appeals (CTA) ang negosyanteng si Cedric Lee at asawang si Judy Gutierrez may kinalaman sa P194.47-milyong tax evasion na naisampa laban dito ng Department of Justice (DOJ) noong nagdaang buwan ng Hulyo ng taong ito.
Kaugnay nito, agad namang nakapaglagak ng piyansa ang kapwa akusado ng mga itong si John K. Ong, chief operating officer ng Izumo Contractors Inc. na kompanya ni Lee. Naglagak ng P80,000 piyansa si Ong sa CTA para sa apat na bilang ng kaso sa pagbubuwis.
Iniutos ng CTA ang pag-aresto sa mag-asawang Lee makaraang makitaan ng probable cause para maidiin ang mga ito sa naturang kaso.
Pinayagan naman ng CTA na makapaglagak ng P20,000 kada isa ang mag-asawa para pansamantalang makalaya kaugnay ng tig-apat na bilang ng tax case.
Sinasabing naideklara ni Lee kamakailan na ang kanilang kompanya ay may kita na P5.54 milyon batay sa kanilang ITR noong 2006; P9.14 milyon noong 2007; P21.34 milyon noong 2008 at P40.20 milyon noong 2009 pero lumalabas sa pagbusisi ng CTA batay sa certifications mula sa kanilang kliyente na ang kompanya ay nagkaroon ng income ng P94.33 milyon noong 2006, P46.07 milyon noong 2007; P30.83 milyon noong 2008 at P131.49 milyon noong 2009 o may kabuuang kinita na P76.218 milyong kita.
Sa ilalim ng Section 248 ng Tax Code ang mga underdeclared taxable income na may mahigit 30 percent ay kinokonsiderang substantial na nagpapatunay na may tax evasion naganaap hinggil sa naturang usapin.