MANILA, Philippines – Bumulusok paakyat ng pangalawang puwesto si Mar Roxas, pambato ng Aquino administration, sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa mula nung Setyembre 2 hanggang Setyembre 6.
May sample size na 1,200 respondents ang survey at may margin of error na 3% ang mga resulta sa national at 6% sa mga lokal na area.
Lumalabas na umakyat mula 21% ang rating ni Roxas sa 39% at tinalunan ang 35% na rating ni Vice President Jejomar Binay.
Si Roxas ang lumalabas na big winner sa survey na ito, sa pag-akyat ng mahigit 18% sa loob lamang ng dalawang buwan mula ng inendorso siya ni Pangulong Aquino.
Nanatili naman sa unang puwesto si Sen. Grace Poe na nakakuha ng 47% o 5% lamang ang iniakyat, mula sa dati niyang katayuan sa 42%.
Pang-apat na puwesto naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng 16%. Bumaba din ito mula sa dati niyang rating na 20%, bago pa nagdeklara si Duterte na pinal na ang kanyang desisyon na hindi siya tatakbo sa pangpanguluhan sa 2016.