Pemberton umaming pinatay niya si Laude

Pemberton

MANILA, Philippines – Inamin kahapon ni United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na sinakal at pinatay niya ang Filipino transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude nang matuklasan niyang hindi ito babae.

Ayon sa ulat, humarap si Pemberton sa sala ng Regional Trial Court Branch 74 ng Olongapo City at tumayong testigo para sa depensa. Ikinatwiran niya na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili sa pagkakagawa ng krimen.

Isa sa mga abogado ng pamilya Laude na si Atty. Harry Roque ang nagsabi sa isang pulong-balitaan na isinalaysay umano ni Pemberton kung paano nito pinatay ang naturang transgender na Pilipino.

Sinabi ni Pemberton na nagtatalik sila ni Laude nang matuklasan niyang meron itong ari na sa isang lalake. Itinulak ng US Marine si Laude, ayon kay Roque.

“Binanggit ni Pemberton sa Korte na inakala niyang nawalan lang ng malay si Laude pagkatapos niya itong sakalin na itinuring niyang self-defense,” sabi ni Roque sa mga mamamahayag.

Binanggit din umano ng sundalong Amerkano na ipinasok niya sa banyo si Laude at binuhusan ito ng tubig para tangkaing gisingin ito. Pero wala siyang nakitang tubig kaya iniwan na lang niya ang biktima.

Ayon kay Roque, inamin ng sundalo na naka-walong shot ito ng alak at anim na bote ng beer nang mag-mall at bar hopping sila ng mga kaibigan niyang Amerkano.

May nakilala umano si Pemberton na dalawang babae sa Ambyanz bar bago siya kumuha ng isang kuwarto sa Celzone lodge kasama ang mga ito. Nakipagtalik siya doon sa isang babae bago kay Laude. Pero natuklasan niyang isang lalake ito at itinulak niya ito sa kanyang pagkabigla. Sinampal siya ni Laude  sa mukha kaya sinakal niya ito hanggang mawalan ng malay.

Ang bangkay ni Laude ay natagpuan sa silid ng lodge sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014.

Show comments