‘Ineng’ palabas na ng bansa
MANILA, Philippines – Posibleng lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw ang bagyong si “Ineng” na nag-iwan ng 10 kataong nasawi sa Northern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration kahapon.
Batay sa 11:00 am weather bulletin ng PAGASA, napanatili ni Ineng ang kanyang lakas na taglay ang hanging nasa 140 kilometers kada oras, at bugsong nasa 170 kph habang patungo sa southern Japan.
Namataan ang mata ng bagyo sa may 360 km hilagang silangan ng Basco, Batanes. Kumikilos ito patungo sa direksyon ng hilaga hilangang silangan sa bilis na 17 kph.
Gayunman, nabawasan na rin ang mga lugar na tinaman ng signal dahil tanging ang Batanes group of island ang nanatiling nasa signal no. 1. Habang tinanggal na ang signal sa iba pang lugar.
Samantala, nagbabala naman ang PAGASA sa umigting na “Habagat” na magdudulot ng mga pagbuhos ng ulan sa Calabarzon, Mimaropa, Ilocos region, CAR at ang probinsya ng Zambales, Bataan at ang isla ng Calayan at Babuyan, gayundin sa Metro Manila.
- Latest