MANILA, Philippines - Nakalabas na ng kulungan kagabi si Sen. Juan Ponce Enrile matapos magpiyansa ng P1.5 milyon sa Sandiganbayan para pansamantalang makalaya sa kinakaharap na kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.
Pasado alas-6 ng gabi ng dumating sa Sandiganbayan 3rd Division si Enrile na sinamahan ng kanyang mga abogado na maghapong naghintay para sa kopya na pinapayagan na magpiyansa ang senador.
Kasunod nito ay naglabas ng produce order ang anti-graft court na inuutusan naman ang PNP na dalhin si Enrile sa Sandiganbayan para personal na piyansahan ang sarili.
Matapos maglagak ng P1.5 milyong cash, P1 milyon sa plunder at P500,000 sa graft, ay agad dumiretso si Enrile sa kanyang bahay sa Dasmariñas, Makati.
Niliwanag ng Korte Suprema na ang pagkakaroon ng sakit at katandaan ni Enrile ang dahilan ng ginawang pagpayag na makapagpiyansa ang senador.
Ang kasong plunder ay non-bailable offense.