MANILA, Philippines - Hinamon ng tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay si Senador Antonio Trillanes IV na harapin ang Bise Presidente sa korte at sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Sinabi ni Atty. Rico Quicho na dapat sagutin na lang ni Trillanes ang damage suit laban dito at sa 12 katao na isinampa ni Binay sa halip napagdudahan ang integridad ng mga korte.
Pinuna ni Quicho na muling ipinakita ni Trillanes na umiilag ito sa pagiging patas sa pamamagitan ng paghiling sa court administrator na ilipat sa ibang lugar ang pagdinig sa civil suit na isinampa ni Binay laban sa senador.
“Walang respeto si Senador Trillanes sa pagsasarili at integridad ng mga korte kaya hinihiling niya na ilipat sa ibang lugar ang pagdinig sa kaso,” sabi pa ni Quicho.
Ipinaalala ni Quicho sa senador kung paanong tinawag nitong duwag ang Bise Presidente dahil sa hindi nito pagharap sa may kinikilingang pagdinig ng Senate subcommittee.
“Dapat mabigyan ng pagkakataon sa patas at parehas na pagdinig ng korte ang mga tao at institusyong siniraan ni Senador Trillanes,” dagdag ni Quicho.
Sa isang liham kay Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez, hiniling ni Trillanes nitong Lunes na ilipat sa ibang korte sa Metro Manila ang pagdinig ng kaso mula sa sala ni Makati Regional Trial Court Branch 133 presiding Judge Elpidio R. Calis.
Idinadaing ni Trillanes na maaaring manganib ang buhay ng mga nasasakdal sa kaso kung gagawin ang paglilitis sa Makati City. Maaari umanong tumangging humarap sa korte ang mga testigo dahil sa takot.
Pero sinabi ni Quicho na maaaring kinatatakutan ni Trillanes na ang mga residente ng Makati ay tumatambay sa quadrangle sa harap ng Makati City hall building habang naghihintay ng desisyon ng Court of Appeals sa suspension ni Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay.
Sa kanyang kahilingan sa court administrator, ikinakatwiran ni Trillanes na maaaring ipalagay na makiling o pabor sa mga Binay ang lahat ng huwes ng Makati RTC dahil sa mga nakukuha nitong benepisyo sa pamahalaang lunsod ng Makati.
Ayon kay Quicho, ito ang pangalawang pagkakataong kinukuwestyon ni Trillanes ang integridad ng korte pero wala namang maipakitang ebidensiya ang senador para patunayan ang ibinibintang nito.