MANILA, Philippines - Hinamon ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairman Fredinil Castro ang liderato ng Kamara na isalang na sa botohan ang Anti-Political Dynasty bill.
Kasabay nito ang panawagan ni Castro kay Pangulong Aquno na sertipikahan na ito bilang urgent bill para isang araw na salang na lamang sa plenaryo ang kailangan para mailusot ito sa kapulungan.
Giit pa ng kongresista, kung talagang gustong ipasa ito ng Kamara ay maaari na itong isalang sa plenaryo para mapagbotohan.
Maaari naman umanong isingit ang panukala sa deliberasyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil hindi na ito kailangan pang pagdebatihan.
Sa ilalim ng bersyon nito na nakapasa sa naturang komite, isa lamang sa miyembro ng pamilya hanggang second degree of consanguinity ang maaaring tumakbo sa halalan.
Sakop ng limitasyong ito maging ang mga nominado bilang kinatawan ng lahat ng partylist groups.
Matatandaan na iniatras ng liderato ng Kamara ang plano noon na isalang na ito sa botohan sa second reading at ikinatwiran na kailangan na itong isalang muli sa pag aaral.
Ang Anti-Political Dynasty bill ay isa sa pinabibigyang prayoridad ni Pangulong Aquino sa Kongreso subalit isa rin ito sa hindi gumagalaw na panukala sa Kamara mula ng magbukas ang sesyon dahil sa kawalan naman ng quorum.