MANILA, Philippines - Papayagan na ni Pangulong Aquino na magbitiw si Sec. Mar Roxas upang hindi mahaluan ng pulitika ang ginagawa ng DILG at Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe sa 114th anniversary ng Police Service sa Camp Crame, papayagan na niyang lisanin ni Mar ang pamumuno sa DILG.
Magugunita na naghain na ng kanyang resignation letter si Roxas matapos iendorso ni PNoy bilang presidential bet ng administrasyon sa 2016. Subalit hiniling ni PNoy na manatili pa ang kalihim sa puwesto upang maituloy ang mga programa at proyekto ng nasabing ahensiya.
Pinasalamatan din nito si Roxas dahil naituloy nito ang mabuting pamamahala sa DILG at PNP na iniwan ng yumaong DILG Sec. Jesse Robredo.