Mar tinabihan si Ate Vi, Robredo sa LP gathering
MANILA, Philippines – Muling nagsama-sama ang Liberal Party (LP) ngayong Martes sa lungsod ng San Juan upang suportahan ang kandidatura ni Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II sa nalalapit na eleksyon 2016.
Tinawag na “Ituloy ang Daang Matuwid” ang programa ng LP sa Gloria Maris restaurant sa Greenhills kung saan mula sa iba’t ibang lugar na mga politiko ang dumalo.
Sorpresa namang dumating si Pangulong Benigno Aquino III kahit na wala ito sa kaniyang official schedule na inilabas ng Malacañang kagabi.
Kasama sa mesa ni Aquino si Roxas at sina Batangas Governor Vilma Santos at Camarines Sur Rep. Leni Robredo na kapwa matunog ang pangalan na maaaring maging running mate ng kalihim.Nauna nang nagsabi si Santos na wala siyang balak tumakbo sa mas mataas na posisyon, habang usap-usapan na kinukumbinsi ng LP si Robredo na tumakbo sa pagkabise presidente sa kabila ng pamimilit nila kay Sen. Grace Poe.
Ilan pa sa mga dumalo sa pagtitipon ay sina Albay Gov. Joey Salceda, Siquijor Vice Governor Dingdong Avanzado, Quezon City Mayor Herbert Bautista at Rep. Alfred Vargas.
Nitong Biyernes lamang ay ipinakilala ni Aquino si Roxas bilang standard bearer ng kanilang partido.Inilarawan niya si Roxas na “hinog” at may kakayanang ipagpatuloy ang “Daang Matuwid.”
Kasunod ng pagbibigay ng basbas sa kaniya, naghain ng resignation letter si Roxas kay Aquino bilang kalihim ng DILG, ngunit nakiusap ang Pangulo na tapusin muna ang ilang proyekto ng kagawaran.
- Latest