MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong kriminal ang sinibak na hepe ng Famy Municipal Police Station (MPS) sa Laguna na inireklamo ng sexual harassment ng isang lady cop at isang civilian employee na pinakitaan ng una ng walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan sa kaniyang tanggapan.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na pormal ng sinampahan ng kasong sexual harassment ang akusadong si Sr. Inspector Rex Langkay sa Laguna Regional Trial Court (RTC) sa utos na rin ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez upang kalusin ang akusadong hepe.
Ipinagharap din si Langkay ng kasong administratibo at grave misconduct at isasalang din sa Pre-Charge, Evaluation and Investigation Section ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) o ang dismissal proceedings sa Camp Crame.
Sa rekord, Hulyo 22 ay ipinatawag ni Langkay ang isang lady cop at isang sibilyang empleyado sa kaniyang tanggapan.
Gayunman ng mag-report ang dalawa ay walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan si Langkay kaya nakita ng mga biktima ang ari ng kanilang hepe.
Nang makarating sa kaalaman ni Marquez ang insidente ay agad nitong inianunsyo ang kaniyang pagsibak kay Langkay sa Camp Crame.
“Hindi ko hahayaan na madungisan muli ang pangalan ng PNP dahil sa mga ganitong uri ng gawain. As what I have said, do your job well and you will be rewarded. But betray your oath and violate the law, sisiguraduhin kong may kalalagyan kayo and now, here’s our action,” giit ni Marquez.