MANILA, Philippines – Isinampa ni House Deputy Minority Leader at 1-BAP party-list Rep. Silvestre H. Bello III ang isang panukalang-batas na magbabawal sa media na gamitin ang salitang “Muslim” sa kanilang pagbabalita hinggil sa mga nasasangkot sa paglabag sa batas.
Tinawag na “An Act Prohibiting the Use, in Philippine Tri-Media, Police Blotters, and Other Government Agencies, of the Word “Muslim” ang panukalang batas ni Bello na isang abogado.
Idiniin ni Bello na dapat maging maingat, parehas at tama ang paggamit ng media ng salitang “Muslim”. Dapat anyang ibinabalita ang nagawa ng isang taong nakagawa ng kasalanan sa batas at hindi ang kanyang relihiyon o sekta.
Para palakasin ang kanyang adbokasiya, inihalimbawa ni Bello ang sumusunod na headline: ‘Philippine Troops Capture Muslim Linked to Bombing”; “Manila Police launch hunt for Muslim suspects in shooting”; “Cops say Muslim-looking suspects seen in crime site before murder slay.”
Ang ganito anyang biased na headlines sa Philippine media ay nagpapatunay kung paanong naging palasak na ang salitang Muslim na nakasanayan na ng mga tao pero sa negatibong pananaw.
Binatikos ni Bello ang paggamit ng media ng salitang “Muslim” dahil nagdudulot ito ng masamang imahe sa grupong minoryang Pilipino.
“Bakit walang headline hinggil sa catholic o miyembro ng ibang relihiyon na hinihinalang sangkot sa krimen tulad ng ‘Catholic rebels torch municipal hall’ o ‘Police arrest Protestant bombing suspect’? o ‘Cops nab Aglipay kidnapers?’,” tanong ni Bello na isa ring dating kalihim ng Department of Justice at peace negotiator.
Ipinaliwanag niya na magiging makatwiran lang ang paggamit ng salitang Muslim kapag ang paglabag sa batas ay ginawa nang may kaugnayan sa relihiyon.