CA: Good moral ng Salutatorian ibigay
MANILA, Philippines – Inutusan ng Court of Appeals (CA) ang Sto. Niño Parochial School (SNPS) na bigyan ng certificate of good moral character ang estudyante nilang si Krisel Mallari na nagtapos ng salutatorian.
Matatandaang matapos ang talumpati ni Mallari sa kanilang graduation ceremony kung saan kinwestyon nito ang pagiging salutatorian para igiit na karapat-dapat siyang magtapos na nangunguna sa kanilang klase, tumanggi ang SNPS na bigyan ito ng Certificate of Good Moral Character.
Ang naturang sertipikasyon ay isa sa mga requirement para makapasok si Mallari sa University of Sto. Tomas (UST) kung saan ito nakapasa para kumuha ng kursong accountancy.
Nagbunsod ito para tumakbo sa CA ang pamilya ng estudyante at kwestyunin ang aksyon ng paaralan.
Sa resolusyon ng ikalawang dibisyon ng CA, inaprubahan ang hiling ni Mallari na temporary restraining order (TRO).
Paliwanag ng korte, sa Agosto 2015 na ang pasukan sa UST kaya mahalagang matanggap agad ng SNPS ang kanilang resolusyon.
Inutusan naman ng korte ang SNPS na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw. Matapos ito, magsusumite naman ang kampo ni Mallari ng tugon sa loob ng limang araw.
Gayunman, tumanggi umano ang SNPS na sundin ang utos ng CA. Dahil dito, nakatakdang maghain ng mosyon ang PAO para ipa-contempt ang mga opisyal ng naturang paaralan.
- Latest