Recall sa Puerto Princesa ‘go’ na
MANILA, Philippines – Tuloy na ang recall election laban kay Puerto Princesa City, Palawan Mayor Lucilo Bayron makaraang aprubahan ito kahapon ng Commission on Elections.
Sa en banc session ng Comelec, nakumpirma na merong sapat na bilang ang lumagda sa isang petisyong humihiling na magkaroon ng halalan para tanggalin sa puwesto si Bayron.
Ipinahiwatig ni Comelec Director at Spokesperson James Jimenez na tinatapos na lang nila ang kanilang election calendar at inaasahang magaganap ang bagong halalan para sa bagong alkalde ng PPC bago dumating ang Mayo 9.
Nahaharap sa recall si Bayron dahil sa mga bintang na katiwalian at kapabayaan sa tungkulin na umano’y mga dahilan upang sumadsad ang imahe ng Puerto Princesa bilang sentro ng turismo sa bansa at sa buong mundo na umano’y nagbigay-daan naman upang bumagsak ang lokal na ekonomiya at tumaas ang insidente ng krimen sa lungsod.
Inaasahang makakalaban ni Bayron si dating PPC Mayor Edward Hagedorn.
Idinagdag pa ni Jimenez na “wala” pang pinal na desisyon ang Comelec laban kay Bayron dahil naman sa ginawa nitong panggugulo at tangkang pagpapatigil sa ginawang ‘signature verification process’ ng Comelec-PPC noong nakaraang Pebrero 28, sa loob ng PPC Sports Complex.
Sa kumalat na ‘video clip’ ni Bayron hinggil sa nasabing insidente, nasaksihan ang ginawa nitong pagpunit sa orihinal na resolusyon ng Comelec sa kasagsagan ng pagtitipon sa kabila ng maingay na pagpapalakpak ng kanyang mga taga-suporta.
- Latest