MANILA, Philippines – Bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga unipormadong kagawad ng pamahalaan sa pulisya at militar, inaprubahan na ni Presidente Noynoy Aquino ang panukalang batas ni Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na dagdag sa kanilang subsistence allowance.
Nilagdaan ng Pangulo ang joint resolution na nagtataas ng subsistence allowance ng mga sundalo, pulis at iba pang unipormadong kawani ng gobyerno.
“Matagal-tagal na rin mula noong huling tinaasan ang subsistence allowance ng ating mga sundalo at pulis. Bagaman napakahalaga ng kanilang papel sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating bansa at napakalaki ng kanilang isinasakripisyo para sa atin, patuloy na napakababa ng sweldo ng ating mga uniformed personnel. Nagpapasalamat tayo at natugunan na ang kakulangang ito ng ating gobyerno,” ani Trillanes, pangunahing may-akda at isponsor sa Senado ng nasabing batas.
Pinasalamatan ni Trillanes si Pangulong Aquino sa patuloy nitong pangangalaga sa kapakanan ng mga sundalo at pulis, at pagkilala sa sakripisyo ng mga ito para sa bansa lalo na ngayong kabi-kabilang krisis ang hinaharap ng mga ito.
Umaasa rin si Trillanes na maiangat ang morale ng mga ito upang mas ganahan silang magsilbi sa bansa.
Sa ilalim ng bagong batas na ito, tatanggap ng P150 mula sa kasalukuyang P90 subsistence allowance ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); kadete ng Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy (PNPA); Philippine Coast Guard (PCG) at mga kandidatong Coast Guard men, at mga unipormadong kawani ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) simula nitong Enero ng taon.
Dagdag pa ni Trillanes na chairman ng Senate committee on National Defense and Security, “Nawa sa pamamagitan ng batas na ito ay mapataas natin ang morale ng ating mga sundalo at mahikayat sila na ipagpatuloy ang kanilang mga sakripisyo para sa bayan.”
Samantala, pinagmamalaki rin nina Magdalo Reps. Gary Alejano at Francisco Ashley Acedillo, na kasama ni Trillanes na nag-akda ng resolusyon, ang tagumpay na ito para sa mga sundalo at pulis.