Earth Hour ngayon

MANILA, Philippines - Bilang pagsuporta sa paglaban sa climate change, hinikayat kahapon ni Sen. Edgardo Angara ang mga Filipino na makiisa sa Earth Hour.

“Ngayong taon, nakatutok ang Earth Hour sa epekto ng climate change sa buong mundo. At dahil lapitin ng iba’t ibang suliraning pangkalikasan ang Pilipinas, malaki ang magagawa ng selebrasyong ito sa bansa,” ani Angara.

Noong 2013, nanguna ang Pilipinas sa mga bansang pinaka-apektado ng climate change, base sa pag-aaral ng environmental organization na German Watch. Kasama rin sa katayuang ito ang mga bansang Cambodia, India at Mexico na tulad ng Pilipinas ay sinalanta rin ng mga bagyo, pagbaha at matinding tag-init.

Sa pananaliksik naman ng Center for Research on the Epidemiology of Disasters, mula 2010-2014 pa lamang ay nakapagtala na nang mahigit US$14-B o P626-B economic damage ang Pilipinas dahil sa mga natural disaster na dumaan dito. Lubhang napakataas mula sa US$1.7-B o P76-B damage mula 2000 hanggang 2009.

Ang Earth Hour ay isang taunang kilusan sa buong mundo bilang pag-alala sa kalikasan.

Bawat indibidwal, komunidad, kabahayan at negos­yo ay hinihiling na makiisa sa isang oras na pagpatay ng ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi kada huling araw ng Sabado ng Marso.

Mula 2009, nakiisa na sa adhikaing ito ang Pilipinas at dahil dito, kinilala ang bansa bilang “Earth Hour Hero Country” mula 2009 hanggang 2013. 

Kada taon, mahigit 15-M Pinoy ang nakikiisa sa naturang aktibidad dahilan upang manguna ang Pilipinas sa mga bansang lumalahok dito.

Show comments