PNoy ’di nag-sorry, humingi ng pang-unawa sa Mamasapano
SILANG, Cavite, Philippines -- Sa halip mag-sorry, humingi ng pang-unawa si Pangulong Aquino sa sambayanan kaugnay ng Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) noong Enero 25.
“Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng operasyong ito buong pagpapakumbaba kong hinihiling ang inyong pang-unawa,” sabi ng Pangulo sa graduation rites ng Lakandula Class ng Philippine National Police Academy (PNPA) kahapon.
“Bilang Pangulo, pasan ko ang responsibilidad para sa anumang resulta, sa anumang tagumpay, pasakit, o trahedya, na maaari nating matamasa sa paghahangad ng pangmatagalang seguridad at kapayapaan. Ikinalulungkot kong may mga pamilyang nawalan ng asawa, ama, kapatid, anak, dahil sa nangyari sa Mamasapano,” wika niya.
Sinabi pa ni Aquino, magsisi man siya o magalit dahil sinuway ang kanyang utos na makipag-coordinate ang SAF sa AFP at hindi nagsabi ng totoo ang kanyang mga pinagkatiwalaan sa Oplan Exodus ay patay na ang SAF 44.
Dadalhin anya niya hanggang hukay ang sinapit ng 44 SAF troopers.
Mistulang binanatan din ni PNoy ang BOI at Senate report sa Mamasapano incident sa pagsasabing sa halip na magtanong ay naglagay ito ng mga ispekulasyon.
“Paano naman makakatulong sa paglilinaw ng isyu kung hula ang gagamitin imbes na facts?”
Ikinalulungkot din ng Pangulo ang pagkadamay ng usaping pangkapayapaan dahil sa isyu.
Huli na
Naniniwala naman si Sen. Bongbong Marcos na huli na ang ginawang paghingi ng pang-unawa ni PNoy.
Sinabi ni Marcos na atrasado na ang pahayag ng Pangulo makaraang abutin ng dalawang buwan bago humingi ng matinding pang-unawa sa publiko lalo na sa pamilya ng napaslang na SAF troopers.
Giit ni Marcos, ayaw ng mga pamilya ng mga nasawing SAF ng mga excuses o palusot at mas gusto nilang marinig ay ang buong katotohanan hinggil sa naging papel ng Pangulo sa ipinatupad na Oplan Exodus.
- Latest