MANILA, Philippines – Pinigilan ng Korte Suprema ang P268 milyong halaga ng kontrata sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at Smarmatic-Total Information Management para sa nalalapit na 2016 elections.
Kinatigan ng Supreme Court ang petisyon nina Bishop Broderick Pabillo, et. al. at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ipawalang-bisa ang kasunduan para sa pagsasaayos ng 82,000 unit ng precinct count optical count (PCOS) na gagamitin sa automated national elections.
Sa pahayag ng SC, 12 ang pumabor sa hirit na temporary restraining order (TRO) habang dalawa ang sumalungat.
Katwiran ng IBP sa kanilang 28-pahinang petisyon, nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Comelec sa pagpasok sa kasunduan lalo’t napirmahan lamang ang kontrata noong Enero 30, 2015 o tatlong araw bago magretiro si dating Comelec Chairman Sixto Brillantes.
Binatikos ng IBP ang kasunduan na anila’y hindi dumaan sa public bidding at iginiit na hindi tamang ikatwiran ng Comelec ang kawalan ng sapat na panahon sa hindi pagdaraos ng public bidding.
P300 milyon ang halaga ng Comelec-Smartmatic deal subalit nagawa itong pababain sa P268 milyon.