MANILA, Philippines - Itinakda na ng House Ad Hoc Committee on the Bangsamoro sa Abril 6 ang muling pagdinig ng Bangsamoro Basic Law (BBL) kahit na nakabakasyon ang sesyon ng Kongreso.
Ayon kay Ad Hoc Committee chairman Rufus Rodriguez, inabisuhan na nito ang mahigit sa 70 miyembro ng komite kung saan sinasabing tatagal ang kanilang hearing hanggang sa Abril16.
Kabilang din sa inimbitahan para humarap dito sina DILG Sec. Mar Roxas, PNP OIC Leonardo Espina, CIDG Director Benjamin Magalong, Defense Sec. Voltaire Gazmin at AFP Chief Gregorio Catapang.
Ito ay dahil nais na makuha ng komite ang posisyon ng mga nasabing opisyal sa gagawing pagtatatag ng Bangsamoro Police, operasyon ng militar sa Bangamoro gayundin sa decommissioning ng MILF.
Sa kabila nito, target pa rin ng komite na pagbobotohan ang BBL sa Abril 6 para maiaakyat na ito sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo 4.
Para naman kay Magdalo partylist Rep. Gary Alejano, hindi maaaring buksan muli ang BBL hearing hanggang hindi natatapos ang imbestigasyon sa Mamasapano incident dahil kailangang malaman kung hanggang saan ang naging papel ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa naturang insidente.