MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinatawan ng parusang kamatayan sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na napatunayang nagkasala sa kasong murder.
Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbitay sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo kay Joven Esteva kahapon ng alas-9:00 ng umaga, oras sa Riyadh.
Ayon sa DFA, pinatawan ng parusang kamatayan si Esteva, isang family driver, dahil sa pagpatay nito sa kanyang Saudi employer noong 2007.
Sabi ni DFA spokesperson Assistant Secretary Charles Jose, mariing tumanggi ang pamilya ng biktima na patawarin ang OFW sa kabila ng mga hakbang na isinagawa ng pamahalaan ng Pilipinas.
Siniguro naman ni Jose na sapat ang ayudang legal na ipinagkaloob ng gobyerno para kay Esteva.