MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng United Nationalist Alliance (UNA) ang umano’y “bata-bata system” na ginagawa ng makaadministrasyong Liberal Party na nagbunsod ng mga katulad ni Gen. Alan Purisima na nagbunga ng trahedya sa Mamasapano.
Pinuna ni UNA interim president Toby Tiangco ang ‘KKK” bilang sukatan para sa pagtatalaga ng mga tao sa matataas na posisyon sa pamahalaan.
“May ‘KKK’ ang gobyerno at meron nang ‘RRG’ si Mar Roxas sa PNP--Roxas Robot Generals! Kung ganyan ang paiiralin natin, sino man ang mapipili ay katulad pa rin ni Purisima na mas matapat sa kanyang padrino kaysa kanyang uniporme at sa Konstitusyon. Ilan pa ang masasawi sa ngalan ng political patronage tulad ng sa Mamasapano?” tanong pa ni Tiangco.
Ayon kay Tiangco, merong mga ulat na itinutulak ng LP na maitalaga si Police Deputy Director General Marcelo Garbo Jr. bilang Director General ng PNP.
“Makikita sa hakbang na ito ang pagwawalambahala at kawalang-pakiramdam sa pagkamatay ng SAF 44. Sa halip na matuto ng leksyon at magtuwid ng kamalian sa pamamagitan ng pagsasapropesyonal sa institusyon, mas pinili nila ang kanilang mga pampulitikang maniobra,” dagdag ni Tiangco.
Naging laman ng mga balita si Garbo sa Cebu provincial standoff noong Disyembre 2012 nang tangkain niyang isilbi ang suspension order mula sa Office of the President para kay Cebu Governor Gwen Garcia.
“May mga indikasyon na gagawin ulit ng Liberal Party ang ginawa nito noong bago mag 2013 elections, kung saan naitalaga sa mga mahahalagang posisyon ang mga bata nitong police officials,” sabi rin ni Tiangco.
“Inuumpisahan nila ito sa pagmamaniobra na maging chief PNP si General Garbo,” dagdag niya.
Si Garbo ang Director ng Central Visayas PNP noon at naitalaga kinalaunan bilang National Capital Region Police Director noong Hulyo 2013. Pagkatapos, nahirang siya bilang hepe ng PNP directorial staff noong December 2013.