Pinay DH sa abroad oobligahing magtayo ng Facebook account
MANILA, Philippines – Inoobligahan ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration ang lahat ng mga Pilipinang nagtatrabaho sa ibang bansa o Filipina household service worker o domestic helper na magkaroon ng account sa social networking site na Facebook sa internet bilang bahagi ng pagmomonitor ng pamahalaan sa kanilang kalagayan.
Sinabi ni POEA Chief Hans Cacdac na inaatasan din nila ang lahat ng mga recruitment agencies na nagpapadala ng domestic helper sa ibayong-dagat na magtayo ng Facebook account at ibahagi ang kanilang account sa mga ipinapadala nilang kasambahay.
Ipinaliwanag ni Cacdac na ang bagong rekisitos na ito ay naglalayong magkaroon ng plataporma ng komunikasyon para sa mga HSW, recruitment agencies at pamahalaan.
“Magagamit din ang account para maiwasan ang hidwaan ng mga HSW at employer o maaaring iendorso ng manggagawa ang kanilang reklamo sa POEA sa pamamagitan ng fb account,” paliwanag pa ni Cacdac.
Maaari na anyang maisumite ng mga recruitment agencies sa POEA sa pamamagitan ng Facebook ang mga report, status, at kalagayan ng ipinadalang HSW at ibang Overseas Filipino Worker. Sinabi ni Cacdac na sisimulan nilang ipatupad ang bagong reglamento mula sa loob ng buwang ito.
- Latest