MANILA, Philippines — Pagpapaliwanagin sa darating na Lunes ng Sandiganbayan 3rd division ang pamunuan ng PNP General Hospital kung bakit nailipat nito si Sen. Juan Ponce Enrile sa Makati Medical Center (MMC) nang walang abiso sa graft court.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng 3rd division, hindi man lamang nakapagbigay sa kanila ng report ang PNP kung bakit sa MMC nai-transfer si Enrile.
Anya, may patakaran ang graft court na kung ililipat si Enrile sa ibang ospital kailangang iulat ng PNP sa Sandiganbayan ang dahilan.
Si Enrile, 91, ay pinayagan ng Sandiganbayan na ma-hospital arrest sa PNP General Hospital dahil sa iniindang sakit bunga ng kanyang katandaan.
Pinapayagan lamang ng graft court na sa PNP hospital magamot ang karamdaman at maaari lamang itong madala sa ibang pagamutan kung sasailalim sa medical procedure na walang pasilidad sa PNP hospital pero dapat aprubado ng graft court.
“Hanggang ngayon wala pa kaming natatanggap na report mula sa PNP,” pahayag ni Pulma.
Sinasabi naman ni PNP Health Service spokesman Chief Insp. Raymond Santos na isinugod na nila sa MMC si Enrile dahil sa pagsuka nito ng dugo bunga ng sakit nitong pheumonia.
Wala namang petisyon ang mga abogado ni Enrile na mai-transfer ito sa isang private hospital tulad ng MMC.
Si Enrile ay na-hospital arrest dahil sa kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.