Cayetano, Iqbal nagkainitan
MANILA, Philippines – Nagkainitan at mistulang nagdebate pa sina Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano at MILF chief negotiator Mohagher Iqbal matapos tawagin ng huli na kriminal ang nag-upload ng SAF video sa internet.
Matatandaan na kumalat ang video ng brutal na pagbaril kay PO1 Joseph Sagonoy, isa sa SAF 44 na napaslang sa Mamasapano noong Enero 25.
Inihayag ni Iqbal na nagpapakalat ng kadiliman ang mga nag-upload ng nasabing video.
Giit ni Cayetano, hindi krimen ang paglalagay sa internet ng nasabing video dahil ipinapakita nito ang katotohanan. “That’s not a crime. The video was the truth.”
Pero ayon kay Iqbal lumikha ng intriga ang nasabing videos.
Sagot ni Cayetano, karapatan ng bawat isa na magpahayag at ipinahiwatig nitong hindi pa handa sa demokrasya ang MILF.
“Sasabihin ninyo kriminal ‘yung nag-upload. Then how can you say that the BBL and the MILF are ready for democracy kung tatawagin niyong kriminal ang kung sinong mag-upload ng video sa inyong paniniwala?” ani Cayetano.
Kinuwestiyon naman ni Iqbal kung awtorisado ang mga taong nag-upload ng video sa internet.
“Yes sir, under the Philippine constitution, freedom of speech, anyone can be a journalist on the internet. Kung ako may ginulpi and it will cause shame on the Senate, anyone can upload na si Alan Cayetano, may ginulpi dito,” sagot ni Cayetano.
Muli ring nagpahayag ng pagdududa si Cayetano kung bakit hindi alam ng MILF na nasa teritoryo nila ang teroristang si Marwan gayong ang bahay umano nito ay malapit lamang sa isang Mosque.
Sabi ni Iqbal, iba’t ibang pangalan ang ginagamit ni Marwan at may tatlo pa umano itong asawa.
- Latest