MANILA, Philippines – Inabisuhan ni Pasay City Mayor Antonino Calixto ang mga residente ng lungsod na magpatupad ng ibayong pag-iingat sa loob ng kanilang mga tahanan upang makaiwas sa mapaminsalang sunog matapos ang tatlong magkakasunod na sunog sa lungsod sa loob din ng tatlong linggo.
Sinabi ni Calixto, chairman din ng Regional Peace and Order Council sa Metro Manila, nakakabahala ang mga sunog na nagaganap dahil sa hindi lamang ari-arian ang nalalagay sa pagkasira ngunit maging buhay at kinabukasan ng mga bata sa oras na tumama ang sunog.
Sa tala ng Bureau of Fire Protection-Pasay, unang sumiklab ang sunog nitong Pebrero 2 sa Brgy. 184 sa Maricaban at nasa 192 ang apektabong pamilya. Sumunod nitong Pebrero 16 sa Brgy. 201 (Kalayaan) kung saan 400 pamilya ang nawalan ng tahanan at may apat na nasawi.
Nitong Pebrero 19 sa Barangay 130 nasa 448 pamilya naman ang naapektuhan ng sunog. Kasalukuyang nasa iba’t ibang evacuation areas ang libu-libong pamilyang biktima at binibigyan ng tulong ng lokal na Pasay Social Work Department.
Pinagsabihan din ni Calixto ang mga opisyal ng barangay at iba pang community leaders na siya dapat manguna sa pagsasagawa ng mga aktibidad para sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan laban sa sunog.
Ilan sa nakikitang dahilan ng mga sunog ang sala-salabat na koneksyon ng kawad ng kuryente at mga illegal na jumper na kagagawan ng mga sindikato na dapat umanong masugpo ng mga opisyal ng barangay.