MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado na suspindihin ang pagpapatupad ng integration ng terminal fees sa paliparan dahil lalo lang nitong gagatungan ang matinding pagbatikos ng publiko kay Pangulong Benigno Aquino bunsod ng pagkamatay ng 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Pinuna ni Nograles na, bukod sa wala sa tamang panahon ang direktibang iyon ni Nograles dahil sa krisis sa imahe ng administrasyong Aquino kasunod ng masaker sa Mamasapano, kontra rin ito sa interes ng mga overseas Filipino worker.
“Sa tingin ko, dapat maging lalong sensitibo si GM Honrado sa mga nangyayari ngayon. Ang kautusan niyang isama sa singil sa tiket sa eroplano ang terminal fee ay tiyak na ikakagalit ng mga OFW na bayani ring tulad ng ating Fallen 44. Dapat matuto si Honrado sa nangyari kay dating PNP Chief Director General Alan Purisima,” sabi pa ng mambabatas.
Sinabi ni Nograles na tututulan niya ang direktiba ni Honrado at, bilang tagapangulo ng House committee on labor, hihilingin niya sa Kongreso ang imbestigasyon sa naturang usapin.
Iginiit ni Nograles na iligal ang hakbang ni Honrado dahil sa ilalim ng batas, libre ang mga OFW sa pagbabayad ng mga terminal fee.