29 SAF sabog ang bungo - autopsy
MANILA, Philippines – Dalawampu’t siyam sa 44 nasawing Special Action Force (SAF) commandos ang pinasabog ang bungo matapos na barilin sa ulo ng makorner sa madugong bakbakan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito ang nabatid base sa resulta ng autopsy report ng PNP-Crime Laboratory na nagsagawa ng pagsusuri sa mga bangkay ng mga bayaning SAF troopers.
Magugunita na naging emosyonal si PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina nang mabatid na ‘overkill’ ang pagkakapatay sa karamihan sa mga nasawing SAF.
Kahit naka-bullet proof ang mga commandos ay tinanggal ito ng MILF rebels saka pinagbabaril sa dibdib, leeg at mukha kaya karamihan ay halos hindi na makilala.
Ilan pa sa mga nasawi ay nilapastangan ang mga bangkay matapos na pagtatadtarin ng taga.
Lumilitaw rin na pinagbabaril ang mga ito ng malapitan ng makorner na ng mga kalaban. Bagaman bahagya lamang nasugatan ay brutal pa ring tinapos ang buhay ng mga ito.
Isa sa mga brutal na pinaslang si PO2 Joseph Sagonoy, na nagtamo lamang ng tama ng bala sa hita pero binaril ng dalawang beses sa ulo na ang pagpaslang ay naging ‘viral video’ sa social media.
Samantala sina Inspector Ryan Pabalinas, radio man ay pinagbabaril sa ulo, leeg at katawan habang si Insp. Rennie Tayrus, sub-leader ng 84th SAF seaborn company ay may mga tama ng bala sa ulo, likod at ibabang bahagi ng katawan.
Si Sr. Inspector Gednat Tabdi, ang sinasabing pumutol ng hintuturo ng napatay na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan para sa sampling ng DNA test ay pinasabog rin ang bungo at marami pa nilang kasamahan na brutal ding pinatay.
Enero 25 nang inilunsad ng SAF commandos ang Oplan Exodus sa Mamasapano upang hulihin si Marwan na may $5 milyong reward at Abdul Basit Usman may $2M patong sa ulo.
Aabot naman sa 392 SAF commandos ang nagsagawa ng mission na ikinasawi ng 44 sa kanila.
- Latest