MANILA, Philippines - Nakaligtas pansamantala sa takdang pagbitay ang isang umano’y Pinay drug mule matapos na ipagpaliban ng Indonesian government ang eksekusyon.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, napigil ang pagbitay sa Pinay na hindi tinukoy ang pangalan makaraang hilingin ng pamahalaan na ma-review ang kaso nito.
Inihain ng Pilipinas ang petisyon para sa judicial review sa Indonesian District Court upang hilinging repasuhin ang kaso ng Pinay at mapababa ang kanyang sentensya. May bagong argumento umanong ipapasok ang pamahalaan para sa posibilidad na mabaligtad ang unang desisyon ng korte.
Ang nasabing Pinay na nasa death row sa Indonesia ay napatunayang nagkasala dahil sa pagpupuslit ng kilu-kilong ilegal na droga noong 2010.
Sa rekord, dinakip ng Customs and Excise Authorities ang Pinay matapos na makuha sa kanyang pag-iingat ang 2.6 kilo ng heroin sa Audisucipto International Airport sa Yogyakarta noong Abril 24, 2010.
Hinatulan ng bitay ang Pinay noong Oktubre 11, 2014 sa drug traffikcing sa kabila ng apela na mapatawan na lamang siya ng habambuhay na pagkabilanggo.
Sa rekord, may 112 OFWs ang nahaharap sa bitay sa iba’t ibang bansa na karamihan ay dahil sa drug smuggling.